Nilinaw ni House Committee on Appropriations Chairperson Mikaela Suansing na ipinagbabawal ang mga politiko sa pagkakasangkot sa pamamahagi ng anumang cash at non-cash aid sa ilalim ng 2026 General Appropriations Bill (GAB) na nagtatakda ng P6.793-trilyong pambansang badyet.
Ayon kay Suansing, nakapaloob sa Section 78 ng General Provisions ang probisyon na sumasaklaw sa lahat ng uri ng tulong, kabilang ang Assistance to Indigents in Crisis Situations (AICS), Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
“Kasama na po sa probisyon ang lahat ng klase ng financial assistance, kaya ipinagbabawal na ang politikal na partisipasyon sa pamamahagi,” ani Suansing.
Binanggit niya ito bilang tugon sa pangamba na maaaring magpatibay sa patronage politics ang mas mataas na pondo para sa mga programa ng pamahalaan.
Inaprubahan ng bicameral committee ang P51-bilyong pondo para sa MAIFIP ngayong 2026, mas mataas kumpara sa P24.2-bilyong nakasaad sa National Expenditure Program, matapos ang panawagan mula sa House Appropriations Panel.
Bagama’t hindi nakasaad sa batas ang partikular na pagbabawal sa “guarantee letters” para makakuha ng MAIFIP, sinabi ni Suansing na sakop na ito ng probisyon sa lahat ng uri ng tulong. Posibleng alisin din ang papel ng mga mambabatas sa pag-isyu ng guarantee letters, ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Nakasaad sa iskedyul na ratipikahin ng Kongreso ang bicameral report ng 2026 badyet ngayong Lunes, Disyembre 29, bago ito isumite sa Malacañang para sa pirma ng Pangulo.






