--Ads--

Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP na walang personal na dumalaw kay contractor Sarah Discaya noong araw ng pasko habang siya ay nakadetine sa Lapu-Lapu City Jail Female Dormitory.

Ayon kay BJMP spokesperson at Jail Superintendent Jayrex Bustinera, bagama’t walang pisikal na bisita si Discaya, nagamit naman nito ang E-Dalaw system, ang online visitation program ng BJMP na bukas sa lahat ng persons deprived of liberty o PDL sa buong bansa.

Sinabi ni Bustinera na base sa ulat ng jail warden, E-Dalaw lamang ang naging paraan ng komunikasyon ni Discaya sa kanyang pamilya, habang ang direkta niyang pakikipag-ugnayan ay limitado lamang sa kanyang mga abogado.

Binigyang-diin din ng BJMP na pantay ang pagtrato kay Discaya tulad ng ibang bilanggo, alinsunod sa direktiba ni Justice Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla at BJMP Chief Jail Director Ruel S. Rivera na mahigpit na nagbabawal sa anumang uri ng VIP treatment.

--Ads--

Giit pa ng BJMP, lahat ng PDL, maging ordinaryong bilanggo, ay may pantay na access sa E-Dalaw at iba pang pribilehiyong pinahihintulutan sa loob ng piitan.