--Ads--

Malungkot na dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang kaanak ng dalawang paslit na sabay nalunod sa Cagayan River ilang araw bago ang Bagong Taon.

Inihayag ni Ginang Marites Ramos, kaanak ng mga nawawalang bata mula District 1, Reina Mercedes, Isabela, na hindi nila namalayan kung saan nagpunta ang mga bata kasama ang iba pa nilang pinsan noong Disyembre 27.

Aniya, nasa trabaho sila noon at naiwan ang mga bata sa kanilang bahay kasama ang anim nilang pinsan at isang kaibigan.

Di-umano, nagkayayaan ang mga bata na pumunta sa ilog para maglaro sa tabing-ilog at sa kasamaang palad nalunod sina Manuel Galabay Ramos, 13-anyos, at Xander Frogoso, 11-anyos.

--Ads--

Agad namang humingi ng tulong ang kanilang mga pinsan at sinubukan pang sagipin ang mga bata subalit hindi na kinaya dahil sa malakas na agos ng tubig sa ilog.

Sa ngayon, tuloy-tuloy ang search and rescue operation sa mga nawawalang bata. Naikutan na nila ang lahat ng sulok habang may iba pang team na sumisisid sa ilog hanggang gabi. Aniya, walang tigil ang paghahanap sa mga bata at nanatili silang nakaantabay sa paglutang ng mga bangkay.