--Ads--

Nagkalasog-lasog ang isang 12-anyos na batang lalaki habang malubhang nasugatan naman ang 12-anyos na kaibigan nito matapos sumabog ang sinindihang ilegal na paputok sa Tondo, Maynila, nitong Linggo.

Batay sa ulat naganap ang insidente bandang 8:23 ng gabi sa A. Lorenzo Street malapit sa kanto ng Jose Abad Santos Avenue.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay makikitang naglalakad ang dalawang bata sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue.

Sa mas malinaw na video, makikitang may bitbit ang isa sa kanila na hugis triangle na bagay. Ilang sandali pa,biglaang lumiyab at sumabog ang triangle habang natakpan ng makapal na usok ang dalawang bata.

--Ads--

Ayon sa imbestigasyon, nakita ng isang sakay ng tricycle ang dalawang bata na nakaupo sa gilid ng kalsada habang may hawak na “big triangle,” isang uri ng iligal na paputok, bago ito sumabog.

Dahil sa malakas na pagsabog dead-on-the-spot ang 12-anyos na batang lalaki matapos maputol ang braso at binti habang nasugatan naman ang isa pang paslit.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung saan nanggaling ang iligal na paputok at kung may mananagot sa insidente.