Natagpuan na ang katawan ng dalawang paslit na ilang araw nang nawawala matapos malunod sa Ilog Cagayan nitong Sabado sa bahagi ng District 1, Reina Mercedes, Isabela.
Matapos ang ilang araw na paghahanap, natagpuan ang labi nina Manuel Galabay Ramos, 13-anyos, at Xander Frogoso, 11-anyos, sa ilog na nasasakupan ng Barangay Lullutan at San Ignacio, City of Ilagan.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Marites Ramos, kaanak ng mga biktima, sinabi niya na ilang araw na sinuyod ng mga rescuers ang Ilog Cagayan sa bahagi ng Reina Mercedes, Isabela hanggang nitong Martes ay nakarating sila sa bahagi ng Naguilian Bridge.
Doon namataan ng isang mangingisda ang palutang-lutang na bangkay ni Manuel sa Lullutan Bridge, habang nakita naman ang labi ni Xander sa San Ignacio.
Agad na ipinarating sa mga rescue team ang pagkakatagpo sa labi ng dalawang bata, at agad ding nagsagawa ng retrieval operations.
Sa ngayon, dinala na ang labi nina Manuel at Xander sa isang punerarya sa San Isidro, Echague, Isabela para ma-cremate.
Inilarawan ni Ginang Ramos sina Manuel at Xander bilang mga batang masiyahin at puno ng pangarap, kaya’t labis na masakit para sa kanilang pamilya ang sinapit ng dalawa.











