--Ads--

Nasawi ang isang lola matapos matupok ng apoy ang isang 2-storey residential house sa Casibarag Sur, Cabagan, Isabela nitong gabi ng Martes, Disyembre 30, 2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Inspector Joan Rugayan, Acting Municipal Fire Marshal ng Cabagan Fire Station, sinabi niya na nagsimula ang sunog sa kwarto ng isang 92-year old na lola.

Batay aniya sa salaysay ng kaniyang apo, gabi-gabi umanong nagbabasa ng bibliya ang kaniyang lola gamit ang kandila.

Gayunpaman ay nagpapatuloy pa rin ang ginagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang matukoy ang pinakasanhi ng sunog.

--Ads--

Tatlo umanong matatanda ang nakatira sa naturang bahay at nagawa naman umano nilang makalabas lahat subalit bumalik umano ang biktima sa loob at hindi na nakalabas pa.  

Ayon kay FInsp. Rugayan, 8:18 ng gabi nang ipaalam sa kanilang tanggapan na mayroong nasusunog na bahay at makalipas lamang ng dalawang minuto ay nakarating na ang kanilang tropa sa lugar.

Aniya, sobrang laki na ng apoy nang makarating ang kanilang hanay sa pinangyarihan ng insidente kaya hinala nila na late na nang naitawag sa BFP ang sunog.

May kalumaan na rin ang bahay at gawa sa kahoy kaya mabilis na kumalat ang apoy.

Dahil sa laki ng sunog ay kinailangan nang mag-augment ang fire truck ng Tumauini at San Pablo upang agad na maapula ang sunog.

Dakong 1:47 kaninang madaling araw (Disyembre 31) ay umuwi na ang mga BFP Personnel subalit nag-rekindle o muling bumalik ang apoy bandang 3:30 ng madaling araw kaya kinailangan nilang bumalik sa lugar upang muling apulahin ang sunog.

Wala namang nadamay na iba pang bahay sa insidente.