--Ads--

Umakyat na sa 140 ang bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok hanggang Disyembre 30, ayon sa Department of Health o DOH.

Batay sa datos na naitala mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 30, mas mababa ito ng 23% kumpara sa 182 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon kay DOH spokesperson Albert Domingo.

Kabilang sa mga pangunahing sanhi ng pinsala ay ang 5 Star, Boga, Kwitis, mga unlabeled o imported na paputok, Pla-pla, at Whistle bomb.

Mga batang lalaki na may edad lima hanggang 19 ang bumubuo sa karamihan ng mga pasyente.

--Ads--

Ayon kay Domingo, magpapatuloy ang DOH sa pagbabantay hanggang Enero 5 dahil inaasahan ang pinakamaraming kaso ngayong gabi at bukas ng umaga habang sinasalubong ang Bagong Taon.

Muli niyang pinaalalahanan ang mga magulang na huwag pahawakin ng paputok ang mga bata.

Dagdag pa niya, sinusuportahan ng DOH ang pagpapatupad ng anumang batas na maglilimita sa pag-access ng mga bata sa paputok.

Samantala, 823 kaso ng road crash ang naitala ng DOH hanggang Disyembre 30.

Karamihan sa mga biktima ay kalalakihan na may edad 15 hanggang 29, at halos 70% sa kanila ay naka-motorsiklo, karamihan ay mga delivery rider na patuloy na nagtatrabaho kahit holiday.

87% ng mga nasangkot sa aksidente ay hindi gumagamit ng safety accessories, gaya ng helmet para sa motorsiklo at seatbelt para sa mga 4 wheel vehicles.

Samantala, 12%  naman ay may kinalaman sa lasing sa pagmamaneho.

Paalala pa ni Domingo sa publiko na palaging gumamit ng helmet at huwag uminom ng nakakalsing na inumin.

Bukod dito, iniulat ng DOH na limang pinaghihinalaang kaso ng stray bullet injury ang naitala ng Philippine National Police o PNP.

Isa na rito ang kumpirmadong kaso kung saan tinamaan ang isang 45-anyos na lalaki sa Ilocos, habang ang apat na iba pa ay patuloy pang bineberipika.

Mayroon ding 262 na naitalang kaso ng non-communicable diseases ngayong holiday season, na binubuo ng 165 kaso ng stroke, 70 atake sa puso, at 27 kaso ng hika.

Pinayuhan ang mga may hika at chronic obstructive pulmonary disease o COPD na maaaring gumamit ng N95 mask upang maiwasan ang paglanghap ng usok mula sa paputok.

Tiniyak ng DOH na 83 DOH hospitals kasama ang mga pribadong ospital, ay handa para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasyente habang papasok ang taong 2026 ngayong gabi.

Ipinatupad pa rin ang zero-balance billing sa lahat ng DOH-run hospitals, anuman ang sanhi ng pinsala.

Gayunman, sinabi ni Domingo na pinag-aaralan ng ahensya ang posibleng pagtaas ng premium contribution ng mga indibidwal na mapapatunayang lumabag sa batas, gaya ng hindi pagsusuot ng helmet o seatbelt.