--Ads--

Handang-handa ang Cauayan District Hospital sa pagdagsa ng mga pasyenteng maaring masangkot sa firecracker at vehicular incidents ngayong pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa panayam ng Bombo Rady Cauayan kay Dr. Ana Velyn M. Rugnao, Medical Specialist II ng Cauayan District Hospital, naka-alerto ang kanilang mga personnel upang tugunan ang anumang emergency.

Aniya, mayroong dalawang 24-oras na doktor na naka-duty, tatlong nurse sa emergency room, at apat naman bukas, January 1. Bukod dito, may naka-standby ding mga medical staff sa ward na pwedeng tumulong kung sakaling dumami ang pasyente.

Ayon pa kay Dr. Rugnao, mayroon ding sapat na gamot at karagdagang emergency beds na nakalaan para sa mga pasyente na maaring masugatan dahil sa firecracker incidents.

--Ads--

Aniya, noong nakaraang taon, karamihan sa mga naitala ng ospital sa paggunita ng Bagong Taon ay vehicular incidents na kinasasangkutan ng mga binata na nakainom ng nakakalasing na inumin, mas marami kumpara sa firecracker cases.

Wala pa silang naitatala sa ospital na mga firecracker injuries simula noong kapaskuhan hanggang ngayon, kundi tanging mga aksidente sa kalsada lamang.

Dagdag pa ni Dra. Rugnao, sa nakaraang dalawang taon, hindi gaanong marami ang naitalang firecracker incidents, kaya inaasahan nilang magiging katamtaman rin ang kaso ngayong taon.

Hinikayat ni Dr. Rugnao ang lahat na mag-ingat ngayong pagsalubong ng Bagong Taon, at para sa mga nakainom, iwasan munang lumabas ng bahay upang maiwasan ang anumang aksidente.