--Ads--

Bahagyang tumaas ang naitalang kaso ng road crash incidents ng Department of Health (DOH) ilang oras bago ang Bagong Taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, Undersecretary ng DOH, sinabi niya na unang nagpalabas ng Department Circular si Secretary Ted Herbosa na nag-aatas sa DOH na magsagawa ng monitoring para sa isang malusog at ligtas na pagdiriwang ngayong holiday season.

Aniya, tuloy-tuloy ang kanilang advocacy campaign at kasalukuyan silang nasa Code White ngayong New Year.

Batay sa kasalukuyang talaan ng DOH, umabot na sa 943 ang naitalang road crash incidents noong Disyembre 31.

--Ads--

Karamihan sa mga naitalang aksidente ay mula sa CALABARZON na may 139 na kaso, sinundan ng Central Visayas na may 116 na kaso, Davao Region na may 114 na kaso, at Cagayan Valley na may 107 kaso.

Sa kabuuang bilang, 75% ng mga biktima ay kalalakihan habang 28 porsiyento naman ay kababaihan. Mayorya sa mga biktima ay mga motorcycle rider na nasa impluwensiya ng alak at walang suot na safety gear.

Nakapagtala na rin ang DOH ng limang pagkasawi, dalawa mula sa Eastern Medical Center, dalawa mula sa Cagayan Valley Medical Center, at isa mula sa Zamboanga Medical Center.

Maliban sa road crash incidents, tumaas din ang bilang ng mga kaso ng fireworks-related injuries.

Sa pinakahuling tala ng DOH, nanguna ang Region 3 sa may pinakamataas na bilang ng blast injuries mula sa paputok na may 77 kaso, sinundan ng CALABARZON na may 48 kaso, Region 1 na may 33 kaso, at Negros Island na may 29 kaso.

Pangunahing sanhi ng mga injury ang mga iligal na paputok, kabilang ang labintador, pla-pla, boga, whistle bomb, Judas belt, at super lolo, kung saan karamihan sa mga biktima ay nasa edad 10 hanggang 49.

Maliban sa mga pinsala sa daliri, nakapagtala rin ang DOH ng ilang insidente ng eye injury.

Samantala, may naitala rin ang DOH na limang kaso ng stray bullet o ligaw na bala na kumitil sa buhay ng isang indibiduwal sa CALABARZON.

Bukod sa fireworks-related injuries at stray bullet incidents, nakapagtala rin ang DOH ng mga kaso ng non-communicable diseases, kabilang ang acute stroke, heart attack, at asthma.