--Ads--

Limang katao ang nasugatan sa nasunog na hilera ng tindahan ng mga paputok sa Tabuk City, Kalinga nitong Miyerkules, December 31, 2025.

Sampung minuto bago ang bagong taon, nilamon ng apoy ang mga tindahan, na nagresulta sa pagkaubos ng mga panindang paputok.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ruff Manganip, Information Officer ng Kalinga Police Provincial Office, kabilang sa nasugatan ang tatlong menor de edad na babae at dalawang lalaki matapos sumabog ang mga ibinebentang paputok at pyrotechnic devices sa Purok 4, Bulanao, Tabuk City bago maghating-gabi nitong bisperas ng Bagong Taon.

Ang aksidente ay nangyari nang tumama ang sinindihang kwitis mula sa kabilang kalsada sa mga paputok na nakalagay sa timba. Agad namang dinala sa provincial hospital ang mga biktima na nagtamo lamang ng minor injuries.

--Ads--

Aniya bagamat agad na nakaresponde ang Bureau of Fire Protection o BFP sa lugar ay mabilis na nilamon ng apoy ang mga stalls dahil gawa lamang ang mga ito sa light materials tulad ng kawayan at tolda.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa halaga ng mga nasunog.