Nakapagtala ng labingwalong (18) firecracker-related incidents ang Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa pagsalubong ng Bagong Taon sa lalawigan.
Ayon kay P/Cpt. Scarlette Topinio, Information Officer ng IPPO, mula alas-11 ng umaga ay umabot na sa 18 ang naireport na kaso ng firecracker-related incidents.
Ang mga insidente ay nagmula sa Lungsod ng Cauayan at Ilagan, habang mayroon ding naitala sa bayan ng Tumauini. Karamihan sa mga biktima ay nakalabas agad ng pagamutan matapos lapatan ng paunang lunas sa kanilang mga sugat.
Aminado ang pulisya na nakakalungkot na sa kabila ng mga information campaign ng pamahalaan laban sa paputok, mayroon pa ring nasasaktan.
Dahil dito, muling nagpaalala ang pulisya sa publiko na maging maingat at iwasang magpaputok upang hindi mabiktima. Pinayuhan din ang lahat na huwag pulutin at sindihan ang mga hindi sumabog na paputok dahil posibleng mas mabilis itong pumutok at hindi agad makontrol.











