Isang pitong taong gulang na batang babae ang nagtamo ng bahagyang paso matapos masabugan ng paputok habang sinasalubong ang Bagong Taon dito sa lungsod ng Cauayan.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-1:20 kaninang madaling araw nang mangyari ang insidente sa isang residential area sa Barangay San Fermin.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang biktima na kinilala lamang sa alyas na “Jaja,” ay nasa loob ng kanilang bahay kasama ang kanyang pamilya at nanonood ng fireworks display sa labas nang biglang pumasok sa kanilang tahanan ang isang kwitis na kalaunan ay sumabog, dahilan upang magtamo ng minor burn o bahagyang paso ang bata sa kanyang kanang binti. Agad naman siyang isinugod sa Cauayan District Hospital upang mabigyan ng kaukulang medikal na atensyon.
Tiniyak ng pulisya na patuloy ang kanilang pag-iimbestiga upang matukoy kung saan nagmula ang paputok at kung may pananagutan ang sinumang sangkot sa insidente. Paalala rin ng mga awtoridad sa publiko ang patuloy na pag-iingat sa paggamit ng mga paputok, lalo na sa mga lugar na may mga bata at kabahayan.
Muling binigyang-diin ng pulisya ang kahalagahan ng pagsunod sa mga alituntunin sa kaligtasan tuwing may selebrasyon upang maiwasan ang mga hindi inaasahang aksidente na maaaring magdulot ng pinsala sa buhay at ari-arian.










