Kinilala na ng mga awtoridad ang lalaking naiulat na nalunod sa ilog na bahagi ng Barangay Labinab, Cauayan City kahapon Dec. 31, 2025.
Batay sa ulat ng pulisya, ang biktima ay kinilalang si Cyrus Natividad , 58 taong gulang, residente ng Purok 7, Barangay Labinab, Cauayan City.
Matatandaang bandang alas-1:00 ng hapon kahapon, Disyembre 31, 2025 nang makatanggap ng ulat ang mga awtoridad hinggil sa isang bangkay na palutang-lutang sa mababaw na bahagi ng ilog sa nasabing barangay.
Agad namang rumesponde ang pulisya upang beripikahin ang ulat.
Nakasuot ang biktima ng itim na short pants at natagpuan sa mababaw na bahagi ng ilog.
Matapos ang initial investigation, dinala ang bangkay sa Hospital upang isailalim sa masusing pagsusuri at post-mortem examination para matukoy ang sanhi ng pagkamatay.
Patuloy pa ring nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad upang matukoy kung ito ay isang aksidente o may foul play sa pangyayari. Nanawagan din ang pulisya sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyong makakatulong sa paglutas ng kaso.
Samantala, pinaalalahanan ang mga residente na maging maingat lalo na sa mga lugar na malapit sa ilog upang maiwasan ang kaparehong insidente.











