Simula ngayong Biyernes, Enero 2 mahigpit nang ipatutupad ng Land Transportation Office (LTO) ang pagbabawal sa mga e-trike sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Kabilang sa mga bawal daanan ng e-trike ang EDSA, C-5 Road, Roxas Boulevard at ang rutang Quirino Avenue hanggang Magallanes-South Luzon Expressway (SLEX), alinsunod sa umiiral na patakaran ng MMDA.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, pangunahing dahilan ng hakbang ang kaligtasan sa kalsada.
Aniya, ang mga major highway ay dinisenyo para sa mabibilis at malalaking sasakyan, kaya delikado ang pagsabay ng mabagal at magagaan na sasakyan tulad ng e-trike.
Gayunman, iginiit ng LTO na hindi layong ipagbawal nang tuluyan ang e-trike. Nakahanda umano silang makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang magtakda ng ligtas at angkop na ruta para sa mga e-trike.
Babala ng ahensiya, ang mga mahuhuling lalabag ay papatawan ng multa at maaari ring ma-impound ang e-trike, alinsunod sa RA 4136 at Joint Administrative Order No. 2014-01.
Maglalagay na rin ang LTO ng mga enforcer sa mga kritikal na lugar upang ipaalam at tiyaking nasusunod ang nasabing patakaran.
Nanawagan ang LTO sa publiko ng kooperasyon at mahigpit na pagsunod sa umiiral na mga patakaran sa trapiko, alang-alang sa kaligtasan ng lahat.











