--Ads--

Inaresto ng mga pulis ang dating alkalde ng isang bayan sa Nueva Ecija matapos umanong makumpiskahan ng shabu na nagkakahalaga ng halos kalahating milyong piso sa isang buy-bust operation.

Ang 53-anyos na dating mayor ay inaresto madaling-araw ng Disyembre 31, 2025 sa Barangay Calipahan, Talavera, Nueva Ecija.

Ayon sa pulisya, isang undercover operative ang nagsilbing poseur-buyer at matagumpay na nakabili ng umano’y ilegal na droga mula sa suspek gamit ang marked money, na naging dahilan ng kanyang agarang pagkakaaresto.

Batay sa Nueva Ecija Police Provincial Office, matagal nang mino-monitor ang suspek bago isinagawa ang operasyon at kabilang ito sa High Value Individual watchlist ng pulisya bilang umano’y street-level drug pusher. Dagdag pa ng mga awtoridad, nagsilbi umano ang suspek bilang alkalde ng Sto. Domingo mula 2007 hanggang 2010.

--Ads--

Ayon sa mga imbestigador, ang umano’y suplay nito ng ilegal na droga ay nagmumula sa National Capital Region at Bulacan, at patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong pinanggagalingan nito.

Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang laban sa kanya.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng Talavera Police Station ang dating alkalde at mahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.