Isang malakas na lindol na may magnitude 6.4 ang yumanig sa katimugang at gitnang bahagi ng Mexico, na nagpa-alarma sa buong kabisera at nagpilit kay President Claudia Sheinbaum na lumikas mula sa kanyang unang press conference ngayong taon.
Nagsimula ang pagyanig bandang 7:58 a.m. oras sa Mexico (13:58 GMT), dahilan upang magsilabasan sa kalsada ang mga residente at turista sa Mexico City at sa baybayin ng Acapulco habang yumanig ang mga gusali.
Habang nagsasalita sa mga mamamahayag sa National Palace, nagsimulang tumunog ang mga seismic siren. Nakuhanan sa live broadcast ang sandaling tumigil si Sheinbaum, nanatiling kalmado, at nag-utos na lumikas ang lahat. Inilabas siya ng mga security personnel ngunit makalipas ang ilang minuto ay bumalik upang ipagpatuloy ang briefing matapos ang safety checks.
“Nakipag-ugnayan na kami kay Governor Evelyn Salgado ng Guerrero, at sa kabutihang-palad, wala pang ulat ng malalang pinsala,” pahayag ni Sheinbaum.
Ayon sa Mexico’s National Seismological Service, ang epicenter ng lindol ay nasa humigit-kumulang 15 kilometro mula sa bayan ng San Marcos sa estado ng Guerrero, malapit sa baybayin ng Pasipiko. Iniulat ng U.S. Geological Survey (USGS) na ang lindol ay naganap sa lalim na 35 kilometro.
Bagama’t malakas ang naramdaman sa Mexico City na nasa 230 kilometro ang layo, mas pinalakas pa ng heograpiya ng kabisera—na nakatayo sa dating lawa—ang epekto ng seismic waves mula sa timog.
Sa kabila ng takot, iniulat ng mga civil protection agencies na nananatiling matatag ang mga imprastruktura sa Guerrero at Mexico City. Agad na ipinatupad ng mga opisyal ang safety protocols gaya ng helicopter flyovers at structural inspections sa mga pangunahing gusali.
Ang Mexico ay bahagi ng “Ring of Fire”, isang aktibong seismic zone, kaya’t karaniwan na ang mga ganitong pangyayari. Ang lindol na ito ay nagsilbing paalala ng patuloy na panganib, na muling nagbalik ng alaala ng mga mapaminsalang lindol noong 1985 at 2017.











