May P2.49 bilyon na alokasyon ang Department of Public Works and Highways para sa mga flood control projects sa ilalim ng panukalang P6.793-trilyong national budget para sa 2026.
Ayon sa ratipikadong ulat ng bicam panel ng Kongreso, ang pondo ay nakalaan sa drainage systems at flood control structures sa lahat ng 18 rehiyon ng bansa, kabilang ang NCR, CAR at BARMM. Bawat rehiyon ay may tig-P100 milyon na alokasyon.
Bukod dito, may P690 milyon para sa mga proyektong pambansa gaya ng Camanava flood control, Manggahan, Agno, Iloilo, Lower Agusan, at iba pang estruktura, kasama ang P100 milyon para sa desilting at dredging ng waterways.
Samantala, bumaba sa P529 bilyon ang kabuuang budget ng DPWH mula sa dating P880 bilyon, matapos ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Para naman sa maintenance ng national roads, nakatanggap ang DPWH ng P8.5 bilyon. Pinakamalaking bahagi ang napunta sa Eastern Visayas na may P704.9 milyon, sinundan ng Davao Region at Negros Island Region.
Ang 2026 General Appropriations Act ay nasa Malacañang na at kasalukuyang nire-review ni Pangulong Marcos bago lagdaan.











