--Ads--

Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer sa nalalapit na deadline ng compliance report o Proof of payment ng 13th month pay ng kanilang mga empleyado sa Enero 15, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dinosio Verzola Jr. ng DOLE Region 2, sinabi niya na mayroon nang online portal ang ahensya kung saan pwedeng isumite ang proof of payment kaya hindi na kinakailangan pang magpunta mismo ng mga employer sa kanilang tanggapan dahil online na ang kanilang monitoring.

Binigyang diin nito na hindi rason ang pagkakaroon ng maliit na negosyo sa hindi pagbibigay ng tamang benepisyo sa mga empleyado.

Aniya, kung qualified na ang isang empleyado na makatanggap ng 13th month pay ay obligado ang mga employer na ibigay ito alinsunod sa batas.

--Ads--

Noong nakaraang taon ay compliant naman ang mga employer sa Region 2 pagdating sa pagbibigay ng 13th month pay pangunahin na ang mga malalaking kumpanya.

Naidudulog din umano sa kanilang tanggapan ang hinaing ng mga empleyado na hindi nakatanggap ng benepisyo lalo na tuwing Enero.

Ang mga non-compliant na employer ay pinadadalhan ng compliant order.