Na extend ng limang araw ang swapping o pagpapapalit ng generic cylinder na Liquefied Petrolium Gas (LPG) dahilan nang pagdagsa ng mga residenteng magpapapalit sa Cauayan City.
Matatandaan na una nang inanunsyo ng Department of Energy (DOE) at mga kumpanya ng LPG na December 31, 2025 ang huling araw ng swapping kung saan maraming mga residente pa rin ang hindi naka habol.
Kaugnay nito ay kanya-kaniyang habol naman ang mga residente sa pagpapa swap sa pagbabakasakali na mapalitan at mapakinabangan pa ang lumang tangke.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lelian Marcaida, dealer ng LPG, sinabi niya na sa ngayon ay umaabot sa 5-10 na customer ang nagpapapalit ng tangke araw-araw subalit ilan sa mga dealer katulad niya ang huminto na sa pag tanggap ng swapping.
Aniya, matagal na silang nag-abiso sa mga customer kaya hindi sila dapat sisihin kung may mga hindi makakapagpapalit ng generic na tangke.
Binigyan lamang kasi ng limang araw na palugit o hanggang ika-5 na lamang ng Enero, bagaman tinanggap ng mga dealer ang tangke ng mga customer, wala naman aniyang katiyakan kung ilang araw bago mapapalitan ang tangke lalo na at nagkakaubusan na ang pamalit na tangke ng mga kumpanya.
Paglilinaw niya na libre lamang ang swap ng cylinder subalit kung may sira o hindi na maayos ang tangke, mayroon na itong bayad. Tulad na lamang aniya ng sirang foot ring na mayroong charge na P175 at ang Swing na may P350.
Kung wala namang sira o depekto ang mga cylinder na ipapalit ay wala naman umanong sisingilin na charge o bayad.
Kung hindi man makakapagpapalit ng generic cylinder, asahan aniya na hindi na ito tatanggapin simula ika-6 ng Enero at inirerekomenda na lamang na bumili ng bagong tangke na nagkakahalaga ng higit 2,000-3,000 pesos.









