--Ads--

‎Patuloy ang isinasagawang pagsasanay ng Bureau of Fire Protection (BFP) Santiago City sa mga kasapi ng Community Fire Auxiliary Group upang magsilbing katuwang at pansamantalang hahalili sa BFP sakaling magkaroon ng sunog sa kanilang mga nasasakupan.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Officer 1 Rogelio Trinidad Jr., ang PIO Staff ng BFP Santiago, layunin ng training na ihanda ang mga community auxiliary members upang agad na makaresponde sa mga insidente ng sunog sa kanilang area of responsibility, lalo na kung kinakailangan ng mas malawak na fire response.

‎Itinuturing din ang mga ito bilang multipliers ng ahensya sa pagpapatupad ng fire safety at prevention.

‎Bilang bahagi ng pagsasanay, sumailalim ang mga kalahok sa actual firefighting drills, fire olympics, at mga lecture ukol sa fire safety tips.

‎Tinalakay rin sa seminar ang mga paraan upang maiwasan ang sunog sa loob ng tahanan at komunidad.

‎Dagdag pa ng BFP, mahalaga ang aktibong partisipasyon ng komunidad sa fire prevention at emergency response upang mabawasan ang pinsala at maprotektahan ang buhay at ari-arian.

‎Patuloy pa umanong palalakasin ang ganitong mga programa bilang paghahanda sa anumang sakuna.