--Ads--

Tiniyak ni Health Assistant Secretary at Spokesperson Dr. Albert Domingo na itataas ng Department of Health (DOH) ang ‘Code White Alert’ sa mga pagamutan sa Metro Manila at mga kalapit na lugar, bilang paghahanda sa nalalapit na pagdaraos ng Traslacion 2026 sa Biyernes, Enero 9.

Sa ilalim ng naturang alerto, ang mga pagamutan na pinatatakbo ng DOH ay inaatasang maging handa sa anumang uri ng emergency na maaaring maganap sa panahon ng Traslacion.

Magpapakalat ang DOH ng nasa 200 health emergency response team members para sa Traslacion 2026 o ang tradisyunal na prusisyon para sa pista ng Poong Nazareno.

Ang naturang bilang aniya ng mga health responders ay ipapakalat sa kasagsagan ng aktibidad.

--Ads--

Gayunman, maaari pa aniyang mabago ito at madagdagan depende sa pangangailangan.

Mahigpit ding pinaalalahanan ni Domingo ang mga debotong may problema sa puso at respiratory conditions, mga buntis, matatanda at mga bata na huwag nang lumahok sa prusisyon.

Pinaalalahanan din niya ang mga deboto na sasama sa Traslacion na magdala ng ID cards, tubig, at maintenance medication, at magsuot ng maluluwag at kumportableng damit.

Inirekomenda rin ni Domingo ang pagsusuot ng face mask at pagdadala ng alcohol at hand sanitizer upang makaiwas sa posibleng hawahan ng karamdaman.

Payo pa niya sa mga deboto, umiwas na lamang sa pagdadala ng mahahalagang gamit na posibleng mawala kung sasama sila sa prusisyon.