Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na magpatupad ng general amnesty para sa mga indibidwal at employer na hindi nakapagbayad ng kanilang kontribusyon.
Ayon sa Pangulo, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na tulungan ang mga Pilipino, lalo na sa sektor ng kalusugan. Saklaw ng general amnesty ang mga negosyante, private employers, at self-employed individuals na may hindi nabayarang kontribusyon sa PhilHealth.
Kinilala rin ni Pang. Marcos na mabigat sa maraming Pilipino ang buwanang 3% na kontribusyon sa PhilHealth, dahilan upang mahirapan ang ilan na makasunod sa pagbabayad.
Dagdag pa ng Pangulo, ipatutupad ngayong 2026 ang isang one-time waiver para sa interes ng mga hindi nabayarang kontribusyon sa PhilHealth. Saklaw nito ang mga kontribusyong hindi nabayaran mula Hulyo 2013 hanggang Disyembre 2024. Tinatayang nasa 300,000 employer ang inaasahang makikinabang sa naturang hakbang.
Samantala, hinimok din ni Pangulong Marcos ang mga employer na irehistro ang kanilang mga empleyado sa Yaman ng Kalusugan o YAKAP Program ng PhilHealth upang mapakinabangan ang mga benepisyo nito, kabilang ang komprehensibong primary at outpatient care.
Hinikayat din nito ang mga employer na tiyaking updated ang kanilang mga rekord at impormasyon sa ahensya.











