Mahigit 1,000 pasahero ang napilitang magpalipas ng magdamag sa international airport ng Amsterdam matapos maparalisa ang daan-daang biyahe dahil sa makapal na snow at ice na tumama sa ilang bahagi ng Europa nitong Miyerkules.
Sa Paris, nabalutan ng snow ang mga kalsada at parke sa paligid ng Eiffel Tower at Louvre Museum, habang naranasan din ang mabigat na daloy ng trapiko sa ilang lugar sa France.
Sa Berlin naman, magandang balita naman para sa ilang residente matapos maibalik ang kuryente sa libo-libong kabahayan na apat na araw na nawalan ng suplay sa gitna ng matinding lamig. Ayon sa mga awtoridad, ang blackout ay dulot ng hinihinalang pag-atake sa mga high-voltage power line.
Sa Schiphol Airport sa labas ng Amsterdam, naglatag ng daan-daang folding bed ang pamunuan at nagbigay ng almusal sa mga pasaherong na-stranded habang patuloy ang clearing ng snow sa mga runway at pagde-ice ng mga eroplano. Hindi bababa sa 800 flight ang kinansela sa naturang paliparan, isa sa pinakaabalang aviation hub sa Europa.
Ayon sa national airline na KLM, unti-unti nang humuhupa ang pila sa paliparan dahil maaga umanong naabisuhan ang mga pasahero tungkol sa kanselasyon ng kanilang mga biyahe.
Matinding tinamaan din ng snowfall ang rail at road networks ng Netherlands. Hinikayat ng rail operator na NS ang publiko na ipagpaliban muna ang biyahe kung maaari, dahil sa limitadong operasyon ng mga tren, kabilang na ang mga international routes.
Sa mga kalsada, umabot sa mahigit 700 kilometro ang traffic jam habang dumudulas ang mga trak sa highway at mabagal ang clearing operations ng mga snow plow.
Sa France, inilagay ng Meteo France sa alerto ang malalaking bahagi ng hilaga at kanlurang rehiyon ng bansa dahil sa niyebe at black ice. Pinayuhan ang mga mamamayan na mag-work from home at iwasan ang paggamit ng sasakyan. Sinuspinde rin ang operasyon ng mga bus sa Paris.
Kinumpirma ng transport ministry ng France na mahigit 100 flight ang kinansela sa Paris Charles de Gaulle Airport at halos 40 naman sa Paris Orly Airport. Nagbabala rin ang French railway company na SNCF ng pagkaantala at kanselasyon ng biyahe dahil sa niyebe sa riles, na nakaapekto rin sa mga Eurostar train papuntang London at Brussels.
Maging ang mga bansang sanay sa matinding taglamig ay nakaranas din ng problema. Sa western Sweden, pansamantalang itinigil ang operasyon ng lahat ng tram sa Göteborg dahil sa makapal na snow. Sa Finland naman, nagkaroon ng kanselasyon at delay sa mga bus sa Helsinki dulot ng hirap sa pagpapatakbo ng mga sasakyan at mapanganib na kondisyon ng mga kalsada.










