--Ads--

Kasiyahan ang bumalot sa tanggapan ng Department of Migrant Workers (DMW) Region 2 matapos makumpirma ang balitang pumasa sa 2025 Bar Examination ang kanilang regional director, isang tagumpay na bunga ng mahigit tatlong dekadang pagsusumikap sa pangarap na maging abogado.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DMW 02 Regional Director Atty. Roger Benitez, nalaman niya ang resulta habang abala sa isang pagpupulong, at ipinarating ito ng kanyang mga kawani na sabay-sabay na nagsigawan at pumasok sa kanyang opisina.

Aniya, natapos niya ang kanyang Bachelor of Laws and Letters sa Northeastern College noong 2010, matapos ang paulit-ulit na paghinto at pagbabalik sa pag-aaral. Sinimulan niya ang paglalakbay sa abogasya noong dekada ’90 ngunit napilitang isantabi ito.

Makalipas nito, dalawang beses siyang sumubok sa Bar Examination ngunit hindi pinalad, dahilan upang pansamantalang isantabi ang pangarap at magpokus sa pamilya at iba’t ibang propesyon, kabilang ang real estate at serbisyo sa pamahalaan.

--Ads--

Noong 2023, muli siyang bumalik sa pag-aaral sa pamamagitan ng refresher course bilang paghahanda sa computerized Bar Examination. Sa kabila ng kanyang tungkulin bilang opisyal ng pamahalaan, naglaan siya ng 30 araw na leave upang tutukan ang review sa Maynila bago tuluyang makamit ang tagumpay.

Sa edad na 55, sinabi niyang ang pagkapasa ay hindi lamang personal na tagumpay kundi dagdag na responsibilidad at pananagutan sa paglilingkod sa publiko. Paalala niya, ang kabiguan ay bahagi ng tagumpay at hindi dapat sukuan ang pangarap, gaano man ito katagal abutin.