Tinatayang aabot sa mahigit ₱500,000 ang halaga ng smuggled na sigarilyo na nasabat ng pinagsamang pwersa ng Cauayan Police Station, Cauayan Highway Patrol Group, at 2nd Isabela Mobile Force Company sa Barangay Alinam, Cauayan City, Isabela, pasado alas-sais ng umaga ngayong araw, Enero 9.
Naging matagumpay ang isinagawang operasyon na nagresulta sa pagkakahuli ng isang lalaking suspek na nagmamaneho ng isang van na kargado ng nasabing mga sigarilyo.
Ayon sa mga awtoridad, nasa 25 kahon ng sigarilyo ang nasamsam, kung saan bawat kahon ay naglalaman ng tig-50 rim ng sigarilyo.
Sa kasalukuyan, dinala na sa Cauayan City Police Station ang suspek para sa karagdagang imbestigasyon, masusing dokumentasyon, at paghahanda ng kaukulang kaso kaugnay ng insidente.











