--Ads--

Umaabot sa 14 luxury cars na pag-aari umano ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ang nakumpiska sa isinagawang raid ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Huwebes sa BGC, Taguig City.

Ayon kay CIDG Director P/Major Gen. Robert Morico II, bahagi ito ng Oplan OLEA at isinagawa sa bisa ng mga search warrant mula sa RTC Manila laban sa mga kumpanya ni Co, kabilang ang La Venezia Hotel and Spa Inc., Sunwest Construction, Eco Leisure and Hospitality, Misibis Resort, at iba pa, dahil sa umano’y paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (RA 10863).

Kabilang sa mga nakumpiskang sasakyan ay Rolls Royce, Cadillac Escalades, Lexus, Mercedes-Benz, GMC Yukon, Ferrari, at Toyota Sequoia at Fortuner, na may tinatayang kabuuang halaga na Php 145 milyon. Ang mga ito ay dinala sa ICI Taguig para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Ayon sa ulat, kasama sa operasyon ang ilang opisyal ng barangay at building administrators ng mga condominium kung saan nakarehistro ang mga sasakyan. Patuloy ang imbestigasyon ng CIDG para tukuyin ang iba pang posibleng paglabag at assets na pag-aari ni Co.

--Ads--