Handang i-impound ng Public Order and Safety Division ang mga behikulo ng mga motoristang lalabag sa mga batas lansangan matapos ipagbawal ng Land Transportation Office ang pag-kumpiska sa lisensya ng mga traffic violators.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, mas lalong dadami ang mga pasaway kung hindi makukumpiska ang kanilang mga lisensya kung sila ay lumabag.
Sa pamamagitan aniya ng pag-impoud sa kanilang sasakyan ay matitiyak nila na hindi ito babalewalain ng mga motorista.
Giit niya, mawawalan sila ng pangil sa pagpapatupad ng batas kung masyadong maluwag ang sistema.
Batay aniya sa kanilang obserbasyon, marami pa ring mga motorista ang walang drivers licence kaya kung sakali mang magkaroon sila ng traffic violations ay wala rin silang lisensyang makukumpiska.
Dahil dito ay mas mahihirapang mag-secure ng drivers license ang mga ito dahil wala pa man silang lisensya ay mayroon na agad silang violations.











