--Ads--

Arestado ang isang lalaki na may mga dalang smuggled na sigarilyo sa isang operasyon sa Barangay Daligan, Jones, Isabela.


Ang suspek na kinilalang alias “Tano,” 45-anyos , may asawa at residente ng P4, Barangay Rosario, Santiago City, Isabela, ay inaresto dahil sa paglabag sa Section 263 ng National Internal Revenue Code (NIRC), na inamyendahan ng Republic Act No. 11467 (2020) na may kaugnayan sa ilegal na pagbebenta at pagdadala ng mga produktong tabako na walang kaukulang buwis.


Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang pinagsanib na puwersa ng Jones Municipal Police Station kasama ang Police Intelligence Unit–Isabela Police Provincial Office (PIU-IPPO) at sa koordinasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), mula sa isang confidential informant.


Sa nasabing impormasyon, isang lalaking nakasuot ng asul na jacket, sakay sa isang motorsiklo at may dalang sakolin bag na naglalaman umano ng smuggled na sigarilyo ang patungong Daligan, Jones, Isabela.

--Ads--


Agad nagkasa ang mga awtoridad ng operasyon kung saan namataan ang motorsiklong tumutugma sa ibinigay na deskripsyon, ito ay pinara alinsunod sa umiiral na mga patakaran.

Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ang iba’t ibang brand ng sigarilyo. Bigo ang suspek na makapagpakita ng anumang legal na dokumento o resibo na magpapatunay sa kanyang awtorisadong pagmamay-ari at pagdadala ng mga nasabing produkto.


Nakumpiska sa kanyang pag-iingat ang labing-apat (14) na rims ng HP cigarettes at dalawampu’t apat (24) na rims ng NISE cigarettes, na may tinatayang kabuuang halaga na Php15,200.00.


Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng Jones Municipal Police Station para sa dokumentasyon at wastong disposisyon, at isinailalim ang suspek sa medical examination.