Arestado ng mga awtoridad ang isang driver matapos makitaan ng illegal na droga sa guard post ng isang establisimiento sa Brgy. Soyung Echague, Isabela.
Ang suspek ay itinago sa alyas na “Lito,” 40 taong gulang, may asawa, isang drayber at residente ng Barangay Muñoz, Roxas, Isabela.
Batay sa ulat ng Echague Police Station, nakatanggap ng tawag ang pulisya mula sa isang security officer ng isang feed plant upang ipaalam na mayroong indibidwal na nakitaan ng illegal na droga habang isinasagawa ang body search at baggage inspection.
Dahil dito ay agad na nagtungo ang kapulisan at nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang isang (1) walang lamang pakete ng sigarilyo na naglalaman ng isang (1) heat-sealed transparent plastic sachet na hinihinalang shabu, isang (1) lighter, at dalawang (2) piraso ng rolled foil na pormal na isinuko ng security personnel bilang ebidensya laban sa suspek.
Isinagawa naman ang imbentaryo sa mismong lugar na pinangyarihan ng insidente na sinaksihan ng opisyal ng barangay at DOJ representative.
Matapos ang mga kinakailangang dokumentasyon, dinala ang suspek at ang mga ebidensya sa Echague Municipal Police Station para sa tamang disposisyon, bago ito isinailalim sa drug testing at laboratory examination ng PNP Forensic Unit sa Santiago City.
Kasalukuyang inihahanda ang kasong paglabag sa Section 11 (Illegal Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at kaugnay na probisyon, laban sa suspek.











