Dalawang pekeng optometrist ang inaresto matapos maaktuhang nagsasagawa ng ilegal na optometry services sa loob ng community center ng Barangay Santo Domingo Proper, Bambang, Nueva Vizcaya nitong Enero 9.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Captain Julius Caezar Abon, Deputy Chief ng Bambang Police Station, bandang alas onse ng umaga nang makatanggap ng ulat ang mga awtoridad mula kay Dr. Clifford Tito, president ng Integrated Philippine Association of Optometrists Incorporated Nueva Vizcaya Chapter, hinggil sa umano’y unauthorized practice of optometry. Matapos ang beripikasyon, agad na nagtungo sa lugar ang mga awtoridad kasama si Dr. Tito.
Naabutan ang dalawang suspek na nagsasagawa ng eye check-up, eye refraction, at pamamahagi ng ophthalmic lenses. Nang tanungin ng pulisya, bigo silang magpakita ng mga dokumentong magpapatunay sa legalidad ng kanilang operasyon.
Itinago ang mga naaresto bilang si alyas “Lyn,” trentay tres anyos, may asawa, at alyas “Jay-R,” trentay tres anyos, binata, kapwa residente ng Bambang. Nakumpiska mula sa kanila ang anim na put pitong piraso ng eyeglass frames, trial lenses, at isang Snellen chart.
Batay sa imbestigasyon, may ilang residente na ang nakapagpa-check ng mata at nagbayad ng paunang halaga na ₱1,000 hanggang ₱2,000 depende sa napiling frame. Aminado ang mga suspek na may karanasan sila sa optical clinic ngunit hindi lisensyadong optometrist.
Nasa kustodiya na ng Bambang Police Station ang mga suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8050 o Optometry Law of the Philippines.










