Mayroon umanong bahagyang pagtaas sa kaso ng mga vehicular accidents sa bayan ng Cordon, Isabela noong nakaraang taon, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Captain Federico Tulay, Deputy Chief of Police ng Cordon Police Station, sinabi niya na isa sa mga nakikita nilang dahilan ay ang kaaayos na kalsadasa kanilang nasasakupan.
Simula kasi aniya nang maging four-lanes ang kanilang kalsada ay marami na ang matutulin magpatakbo na nagreresulta sa aksidente.
Dahil dito ay patuloy na nakikipag-ugnayan ang PNP sa Department of Public Works and Highway (DPWH) para sa karagdagang warning signs, at paglalagay ng ilaw sa mga pangunahing kalsada.
Mas pinaigting din ng kanilang hanay ang pagsasagawa ng regular checkpoints upang ma-monitor ang publiko, pangunahin na ang mga motoristang bumabaybay sa kakalsadahan.
Dahil maituturing na gateway ng Isabela ang bayan ng Cordon ay maigting na binabantayan ng kanilang hanay ang mga pumapasok sa lalawigan upang maiwasan ang pagpupuslit ng mga kontrabando at smuggled products.
Nanawagan naman si PCapt. Tulay ng kooperasyon ng publiko upang matiyak ang kaayusan ang seguridad sa bayan ng Cordon.










