Tinawag ng Malacañang na simpleng “political maneuvering” ang umano’y plano ng ilang kongresista na magsampa ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngunit tiniyak na igagalang ng Pangulo ang mga prosesong nakasaad sa Konstitusyon.
Ibinunyag ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na may ilang mambabatas na nagbabalak magsampa ng impeachment case laban kay Marcos sa susunod na buwan, gamit ang betrayal of public trust bilang isa sa mga batayan.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, naniniwala ang Pangulo na anumang hakbang ng Kongreso ay dapat nakabatay sa katotohanan, batas, at pambansang interes.
Dagdag pa ni Castro, nananatiling nakatuon si Marcos sa pamumuno at paghahatid ng resulta para sa mga Pilipino. Aniya, hindi magbibigay ng pahayag ang administrasyon sa mga tsismis o haka-haka.
Sinabi rin ni Erice na ang mga talakayan sa Kamara ay hindi lamang nakatuon sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, dating kaalyado ni Marcos. Ang one-year bar rule para sa pagsasampa ng impeachment laban kay Duterte ay matatapos sa Pebrero 6.











