--Ads--

Nanawagan ang Exiled Iranian Crown Prince na si Reza Pahlavi kay Pangulong Donald Trump noong Linggo na tumulong sa pagpapalaya ng Iran habang patuloy ang malawakang protesta sa iba’t ibang panig ng bansa laban sa Islamic Government.

Ayon kay Pahlavi, ang hayagang suporta ni Trump ay nagbigay-lakas ng loob sa mga nagpoprotesta. Aniya, itinuturing ng maraming Iranian si Trump bilang isang lider na taliwas sa mga naunang administrasyon ng Estados Unidos at naniniwala silang hindi sila pababayaan sa gitna ng kanilang protesta.

Nitong Sabado, nagpahayag ng suporta si Trump sa mga protesters sa pamamagitan ng social media, kung saan sinabi niyang handang tumulong ang Estados Unidos habang nakikita umano ang pagkakataon para sa kalayaan ng Iran.

Nauna rin niyang sinabi sa isang press conference na handa ang U.S. na tumugon kung gagamit ang rehimen ng malawakang karahasan laban sa mamamayan, bagamat nilinaw na hindi ito mangangahulugan ng pagpapadala ng tropa sa Iran.

--Ads--

Sa mga nagdaang araw, kumalat ang mga protesta sa maraming lungsod sa Iran, kung saan nananawagan ang mga demonstrador ng pagtatapos ng theocratic government. Sa kabila nito, patuloy ang pagkilos ng security forces upang mapatigil ang kaguluhan, na nagresulta na sa daan-daang nasawi.

Ipinahayag ni Pahlavi, anak ng napatalsik na Shah Mohammad Reza Pahlavi, ang kahandaang bumalik sa Iran sa lalong madaling panahon upang tumulong sa isang transition sakaling magtagumpay ang mga kilos-protesta.

Aniya, handa ang maraming Iranian na ialay ang kanilang buhay para sa layuning ito.