Pormal nang sinimulan ngayong araw Enero 12, dakong alas-nuwebe ng umaga, ang kauna-unahang mobile session ng Sangguniang Panlungsod ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan na ginanap sa Barangay Buena Suerte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Paolo Eleazar Delmendo, ang nasabing mobile session ay bahagi ng layunin ng konseho na mas mailapit sa mamamayan ang mga deliberasyon at paggawa ng mga ordinansa batay sa hinaing ng publiko.
Nilinaw rin niyang nagkaroon ng pagbabago sa unang napiling pagdarausan na Barangay Villa Luna, at inilipat ito sa Barangay Buena Suerte batay sa napagkasunduan ng konseho.
Isa sa mga inaasahan ay ang posibleng live streaming ng mobile sessions upang masubaybayan ng publiko ang mga talakayan at desisyon ng konseho. Layunin nito na mapalakas ang transparency at mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na marinig at maipahayag ang kanilang mga opinyon at hinaing.
Ayon sa konseho, magpapatuloy ang ganitong uri ng sesyon sa iba pang barangay bilang bahagi ng kanilang adbokasiya na gawing mas bukas, inklusibo, at makabuluhan ang lokal na pamamahala.











