Nagsumite ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng mga bagong medikal na ebidensya sa International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I, kasabay ang muling kahilingan para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Hiniling ng pangunahing abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman, sa Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) na iutos ang pansamantalang paglaya kay Duterte sa ilalim ng parehong mga tuntunin at kondisyon na nakasaad sa orihinal nilang kahilingan.
Sinabi rin na lumalala na ang kalusugan ng dating Pangulo kaya dapat ipagkaloob ang kanyang pansamantalang paglaya.
Sa pinagsamang ulat mula sa mga eksperto sa medisina, binibigyang-diin na ang bagong ebidensya ay inilaan upang matulungan ang Pre-Trial Chamber na masuri ang kondisyong medikal ni Duterte.
Iniulat ng pangkat ng depensa na si Duterte ay “impaired executive functioning, lack of sustained attention, and corresponding inability to plan and to sequence his daily activity.”
Tungkol sa sinasabing banta sa mga saksi, sinabi ng depensa na walang kakayahan si Duterte na magsagawa ng ganitong plano.











