Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber 1 ang kahilingan ng kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte na iapela ang desisyon kaugnay sa pagsisiwalat ng mga komunikasyon sa pagitan ng ICC Registry at isang panel na magsagawa ng medikal na pagsusuri kay Duterte.
Ayon sa chamber, ang isinusulong ng kampo ni Duterte ay walang “appealable issue” na nakapaloob sa Article 82(1)(d) ng Rome Statute na nagsasabing ang isang partido ay maaaring iapela ang desisyon na lubhang makakaapekto sa patas at mabilis na pagsasagawa ng proceedings o ng kalalabasan ng trial.
Sa kanilang kahilingan na may petsang Disyembre 17, 2025, sinabi ng kampo ni Duterte na ang mga instruction ng pre-trial chamber sa ICC Registry tungkol sa mga dokumentong ipapadala sa Panel ay hindi malinaw o kulang sa “clarity”.
Nagsumite rin noong Enero 9 ang legal counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman ng 12-pahinang kahilingan upang iutos ang pansamantalang pagpapalaya sa dating pangulo kasama ang mga “medical evidence” na sa palagay nila ay makakatulong sa Pre-Trial Chamber sa pag assess sa kondisyon ng dating lider kung maisasagawa nito ang mga pinangangambahang “statutory risk factors”.
Noong nakaraang linggo, tinanggihan ng ICC ang mungkahi ng legal team ng dating pangulo na magtalaga ng isang eksperto upang mag-ulat sa mga “risk factor” na may kaugnayan sa kanyang potensyal na pagpapalaya.










