Nagpahayag nitong Lunes si Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos na nagpataw siya ng 25% tariff sa Iran, isang hakbang na maaaring magpataas ng pressure sa Tehran sa ikatlong linggo ng mga kilos-protesta laban sa gobyerno.
Ayon kay Trump, agad na ipinatupad ang taripa, ngunit hindi niya ipinaliwanag kung anong mga negosyo o kalakalan sa Iran ang maaapektuhan ng hakbang. Ang China ang pinakamalaking trading partner ng Iran, kasunod ang Iraq, United Arab Emirates, Turkey, at India.
Ang bagong taripa ay ipinatupad matapos magbanta si Trump ng posibleng military intervention kung papatayin ng pamahalaan ng Iran ang mga nagpoprotesta. Sinabi ng White House na nananatiling opsyon ang paggamit ng military forces, kabilang ang mga air strikes.
Wala pa namang ibinibigay na karagdagang detalye ang White House tungkol sa taripa, kabilang kung aling mga bansa ang higit na maaapektuhan ng hakbang.
Matatandaang sumiklab ang mga protesta sa Iran noong huling bahagi ng Disyembre dahil sa matinding pagbagsak ng halaga ng kanilang pera na rial. Ang mga kilos-protesta ay lumawak at naging seryosong hamon sa legitimation ng Supreme Leader ng Iran na si Ayatollah Ali Khamenei.
Ayon sa US-based Human Rights Activist News Agency, halos 500 nagpoprotesta at 48 miyembro ng security forces ang nasawi, habang sinasabi ng ilang sources na mas mataas pa umano ang tunay na bilang. Libo-libo rin ang naiulat na inaresto.
Gayunman, naging mahirap ang pagkuha at pagpapatunay ng impormasyon dahil sa internet blackout na ipinatupad mula pa noong Huwebes ng gabi. Dahil dito, hindi rin makapag-ulat mula sa loob ng Iran ang international news organizations.
Binanggit din ni Trump na handa siyang kumilos bago pa man magkaroon ng anumang pag-uusap, sa kabila ng pahayag niyang may mga opisyal mula sa Iran na nakipag-ugnayan para makipagnegosasyon.
Matinding tinamaan ang ekonomiya ng Iran ng mga international sanction kaugnay ng nuclear program nito, na lalo pang pinalala ng umano’y maling pamamahala at korapsyon sa loob ng gobyerno.











