Iginiit ni Senator Imee Marcos na ang mga tinatawag na allocables na binanggit ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ay bahagi lamang ng isang wish list na kanyang isinumite sa central office ng Department of Public Works and Highways at hindi kailanman naging aktuwal na pondo.
Aniya ang mga proyektong iniuugnay sa kanya ay hindi pinondohan at nanatili lamang bilang panukala. Dagdag pa niya, ang mga inilaan para sa kanya at sa kapwa niya opposition senators na sina Bong Go, Ronald Bato dela Rosa at Robinhood Padilla ay isinailalim sa status na for later release o FLR, kaya walang anumang pondo ang inilabas.
Binanggit din niya na tila hinahamon umano siya ni Lacson sa isang personal na bangayan, ngunit iginiit niyang walang basehan ang mga paratang laban sa kanya kaugnay ng umano’y pork o allocable funds. Nilinaw rin niya na wala siyang alam o kinalaman sa mga pondong iniuugnay sa administrasyon at hindi siya tagapagtanggol ng Malacañang.
Nauna nang sinabi ni Lacson, batay sa mga dokumentong tinaguriang Cabral files na iniugnay sa yumaong dating undersecretary na si Maria Catalina Cabral, na may nakalaang humigit-kumulang P2.5 bilyon si Marcos sa 2025 National Expenditure Program bago pa man matapos ang mga budget insertion. Dagdag pa niya, kahit na tinanggal na ang mga naturang allocables, may ilang proyekto pa umanong nakalusot sa bicameral conference committee at naisama sa pinal na enrolled bill.
Inihayag ni Lacson ang mga ito kasunod ng matitinding batikos ni Marcos sa 2026 national budget na tinawag niyang pinakatusong spending plan dahil sa umano’y malalaking pork allocation.
Samantala, sinuportahan nina Deputy Speaker Ronnie Puno at Rep. Zia Alonto Adiong ang pahayag ni Lacson na walang ebidensiyang nag-uugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez sa mga anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Puno, malinaw na dapat sundan ng Senado ang ebidensiya at hindi haka-haka o pressure politics sa anumang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee, at ang public discourse ay nararapat na nakabatay sa ebidensiya at pagiging patas.











