Umakyat na sa 11 ang bilang ng mga nasawi sa landslide na naganap sa isang landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City, ayon sa pinakahuling ulat ng Cebu City Fire Station nitong Martes.
Ayon kay Senior Fire Officer 3 Wendell Villanueva, tagapagsalita ng Cebu City Fire Station, 25 katao pa ang nananatiling nawawala habang 12 naman ang naiulat na nasugatan sa insidente.
Patuloy ang search and rescue operations mula pa noong Huwebes ng hapon matapos gumuho ang bahagi ng landfill na tinatayang tumabon sa mga manggagawa sa lugar.
Samantala, naglabas na ng cease-and-desist order ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Central Visayas laban sa Prime Integrated Waste Solutions, Inc., ang kumpanyang nangangasiwa sa landfill.
Kinumpirma naman ng operator na pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng pasilidad at nakikipag-ugnayan sila sa mga ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan upang magbigay ng tulong sa mga apektado.
Tiniyak ng kumpanya na ang kaligtasan at kapakanan ng mga empleyado at kalapit na komunidad ang kanilang pangunahing prayoridad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.










