Hihingi na ng tulong ang pamahalaan ng Pilipinas sa International Criminal Police Organization (Interpol) upang mapabalik sa bansa ang dating kongresistang si Zaldy Co, na kasalukuyang pinaniniwalaang nasa Portugal, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Martes, Enero 13.
Sa isang press conference sa Malacañang, sinabi ni Sec. Remulla na may direktiba mismo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na simulan ang pormal na proseso ng extradition kahit wala pang umiiral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Portugal.
Ayon kay Sec. Remulla, sa pamamagitan ng Interpol ay magsusumite na ang gobyerno ng kahilingan para sa repatriation ni Co, na nahaharap sa mga kasong graft, malversation of public funds, at falsification of public documents kaugnay ng umano’y anomalya sa isang flood control project sa Oriental Mindoro.
Nilinaw naman ng kalihim na susundin ng pamahalaan ang lahat ng legal at makataong proseso sa paghahabol sa dating mambabatas. Aniya, hindi isinasagawa ng Pilipinas ang extrajudicial na paraan upang makuha ang hurisdiksyon sa isang akusado.
Batay sa impormasyon ng Department of the Interior and Local Government, umalis ng bansa si Co noong kalagitnaan ng 2025 para sa isang medical treatment, bago pa inilunsad ng administrasyon ang masusing imbestigasyon laban sa mga personalidad na sangkot umano sa mga ghost at substandard flood control projects.
Nagbitiw rin si Co bilang miyembro ng House of Representatives bago pa man kanselahin ng Kamara ang kanyang travel authority. Kanselado na rin ang kanyang Philippine passport, subalit may hinala ang mga awtoridad na gumagamit siya ngayon ng Portuguese passport na umano’y mahigit isang dekada na.
Matatandaang noong nakaraang taon ay naglabas si Co ng serye ng mga video na naglalaman ng mga alegasyon ng korapsyon laban kay Pangulong Marcos at ilang opisyal ng gabinete. Bagamat itinuring ito ng Pangulo bilang fake news, ilang opisyal na nabanggit sa mga pahayag ni Co ang kalaunang tinanggal sa kanilang puwesto.











