--Ads--

Tuloy-tuloy ang isinasagawang pamamahagi ng libreng abono ng City Agriculture Office para sa mga magsasaka.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist ng lungsod, sinimulan na nila ang pamamahagi ng libreng abono noong buwan ng Disyembre bilang bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan na layong matulungan ang mga magsasaka sa pagpapataas ng ani at pagbawas sa gastos sa produksyon.

‎Sinabi ni Engr. Alonzo na sa kasalukuyan ay nasa humigit-kumulang 60 porsyento na ng Tanap Region ang kanilang nabigyan ng libreng abono, at patuloy pa ang kanilang pag-iikot sa iba pang lugar upang masaklaw ang lahat ng benepisyaryong magsasaka. Tinatayang nasa 10,000 sako ng libreng abono ang kasalukuyang ipinapamahagi ng City Agriculture Office ngayong taon.

‎Nilinaw rin ni Engr. Alonzo na hindi lamang mga magsasaka na residente ng lungsod ang saklaw ng programa. Pati ang mga magsasaka mula sa ibang munisipalidad na may rehistradong sakahan sa lungsod ay maaari ring makinabang at mabigyan ng libreng abono.

--Ads--

‎Dagdag pa niya, malaking tulong ang naturang programa lalo na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga agricultural inputs, at tiniyak niyang ipagpapatuloy ng kanilang tanggapan ang mga programang magbibigay-suporta sa sektor ng agrikultura.