--Ads--

Isinusulong ngayon sa senado ang panukalang ipagbawal sa mga miyembro ng political dynasty at sa mga kontratistang may proyekto sa gobyerno ang maging kinatawan ng party-list sa Kongreso.

Sa Senate Bill No. 1656, binigyang-diin ni Hontiveros na hindi dapat ginagamit ang party-list system bilang panibagong “raket” ng mga pamilyang politikal at negosyanteng may direktang interes sa pondo ng bayan.

Sa ilalim ng panukala, tahasang ipagbabawal ang pakikilahok ng political dynasties sa party-list system. Ipagbabawal din ang pagtakbo bilang party-list nominee o representative ng sinumang may interes o koneksyon sa mga kontrata ng gobyerno upang maiwasan ang malinaw na conflict of interest.

Hindi rin papayagan ang pagrerehistro ng mga party-list organization na gumagamit ng pangalan ng mga radio at television programs, mga ayuda o government assistance programs, o mga pangalan ng public officials at celebrities, isang taktika na matagal nang ginagamit upang manipulahin ang simpatiya ng botante.

--Ads--

Bukod dito, ipagbabawal na rin ang mga party-list na nakabatay sa isang relihiyon o sekta, gayundin ang mga grupong pinopondohan ng gobyerno, dahil taliwas ito sa prinsipyo ng representasyon at paghihiwalay ng simbahan at estado.

Ayon kay Hontiveros, layon ng panukala na ibalik ang tunay na diwa ng party-list system bilang tinig ng mga sektor na matagal nang nasa laylayan ng lipunan at protektahan ito laban sa pang-aabuso ng mga makapangyarihan.

Sa panahong ang Kongreso ay lalo nang napupuno ng mga apelyidong pamilyar at interes na salungat sa kapakanan ng nakararami, malinaw na ang panukalang ito ay hindi lamang usapin ng reporma sa eleksyon, kundi isang panawagan para sa mas makatarungan at mas inklusibong demokrasya.