Hindi bababa sa 12 katao ang nasawi at 30 ang nasugatan matapos maaksidente ang isang tren sa Thailand nitong Miyerkules ng umaga.
Ang tren, na bumiyahe mula sa kabisera ng bansa patungong northeast Thailand, ay na-derail matapos bumagsak ang isang construction crane at tumama sa isa sa mga bagon nito.
Naganap ang insidente sa Sikhio district, Nakhon Ratchasima province, humigit-kumulang 230 kilometro hilagang-silangan ng Bangkok. Patungo sana ang tren sa Ubon Ratchathani province nang mangyari ang aksidente.
Ayon sa lokal na pulisya, ang crane na ginagamit sa isang high-speed rail project ay biglang gumuho at tumama sa dumadaang tren, dahilan upang ma-derail ito at magliyab.
Naapula naman ang apoy at patuloy pa ang rescue at retrieval operations para sa mga biktima ng aksidente.











