Kinumpirma ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na hanggang ngayon ay wala pang natatanggap na impormasyon ang pamahalaan hinggil sa posibleng pagbabalik sa bansa ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Sinabi ni Sec. Remulla na wala pa silang komunikasyon kay Bonoan at walang indikasyon na pauwi na ito ng Pilipinas. Binigyang-diin din niya na walang sinuman ang ligtas sa imbestigasyon kaugnay ng mga umano’y iregularidad sa mga flood control projects ng gobyerno.
Ayon kay Remulla, tuloy-tuloy ang imbestigasyon at walang exempted sa pananagutan, anuman ang posisyon o koneksyon ng isang tao. Matatandaang umalis ng bansa si Bonoan habang iniimbestigahan ang mga alegasyon ng anomalya sa flood control projects.
Nauna nang sinabi ng Department of Justice na nagtungo si Bonoan sa Estados Unidos upang samahan ang kanyang asawa para sa isang medical procedure, at ang kanyang biyahe ay iniulat na hanggang Disyembre 17, 2025.
Kinumpirma rin ng Bureau of Immigration na umalis si Bonoan patungong Estados Unidos noong Nobyembre 2025 nang walang hold departure order o warrant of arrest, bagama’t siya ay saklaw na ngayon ng Immigration Lookout Bulletin Order na inilabas ng DOJ.
Noong Nobyembre 2025, inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure ang pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban kay Bonoan at iba pang dating opisyal ng DPWH kaugnay ng isang P95-milyong flood control project sa Bocaue, Bulacan.
Sa kabila ng naunang pahayag ni Bonoan na babalik siya sa bansa bago sumapit ang Disyembre 17, 2025, hindi pa rin siya muling nakikita sa Pilipinas hanggang sa kasalukuyan.
--Ads--











