Iginiit ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na ang tinanggal nang “Basedlined-Balanced-Managed” o BBM formula ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nagsilbing blueprint ng sistematikong katiwalian sa ahensya mula pa sa simula ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pahayag ito ni Rep. Tinio kasunod ng anunsyo ni DPWH Secretary Vince Dizon na tuluyan nang isinasantabi ang nasabing parametric formula sa paghahanda ng badyet ng ahensya para sa fiscal year 2027. Ayon kay Rep. Tinio, hindi dapat basta kalimutan ang nasabing sistema kundi isailalim sa buong pampublikong pagsusuri.
Sinabi ng mambabatas na ang BBM formula, na iniugnay sa yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, ay ginamit umano sa pagbuo ng DPWH budget mula 2023 hanggang 2026 at nagsilbing mekanismo ng sentralisadong pork barrel sa loob ng ahensya.
Partikular na tinukoy ni Rep. Tinio ang bahagi ng dokumento na nagsasaad na isinasaalang-alang ang “priorities of leaders of the national government and the legislature,” na ayon sa kanya ay malinaw na indikasyon na ang badyet ay inaayon sa personal na interes ng makapangyarihang opisyal.
Dagdag pa niya, inilabas ang naturang formula noong Hulyo 2022 sa ilalim ng pamumuno ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, at umano’y nagbukas ng pintuan sa tinatawag ngayong “flood control scam.”
Ayon kay Rep. Tinio, pinatutunayan ng BBM formula ang pag-usbong ng katiwalian sa DPWH bilang isang sentralisado at organisadong sistema, kaya’t nanawagan siya na huwag tumigil ang imbestigasyon sa mga mid-level officials at contractors lamang.
“Dapat sundan ang dokumento at tukuyin ang mga ‘big fish’ na malinaw na binanggit sa mismong patakaran,” ani Tinio.











