--Ads--

Pinagtibay ng Sandiganbayan Fifth Division ang desisyon nitong kanselahin ang pasaporte ng dating Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co at ideklarang fugitive from justice ang dating mambabatas.

Sa desisyong inilabas noong Enero 8, ibinasura ng anti-graft court ang mosyon para sa reconsideration ni Co kaugnay ng resolusyong inilabas noong Disyembre 10, 2025 dahil sa kawalan umano ng merito.

Ayon sa korte, nananatiling at large si Co habang nagpapatuloy ang paglilitis laban sa iba pang opisyal ng Department of Public Works and Highways na sangkot sa Oriental Mindoro flood control case.

Giit ng Sandiganbayan, ang isang akusadong patuloy na umiiwas sa hurisdiksyon ng korte ay walang karapatang humingi ng affirmative relief, kabilang ang mosyon para sa reconsideration.

Nahaharap si Co sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng umano’y P289-milyong substandard road dike project na inuugnay sa Sunwest Construction.

Binigyang-diin ng korte na ang pagtakas sa hurisdiksyon nito ay itinuturing na pagwawaksi ng karapatang humingi ng tulong legal, at salungat sa prinsipyo ng hustisya ang paghingi ng pabor habang nilalabag ang awtoridad ng korte.