Nagsampa ng dalawang kaso ng cyber libel ang bilyonaryong negosyante na si Enrique K. Razon Jr. laban kay Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga kaugnay ng paratang na may panunuhol umano sa mga mambabatas para suportahan si dating House Speaker Martin Romualdez.
Personal na inihain ni Razon, chairman at presidente ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI), ang reklamo sa Makati City Prosecutor’s Office noong Miyerkules, kasama ang kanyang abogado na si Atty. Laurence Arroyo. Inakusahan ni Rep. Barzaga ang ilang miyembro ng National Unity Party (NUP) na tumanggap umano ng suhol kapalit ng suporta kay Romualdez sa speakership.
Mariing itinanggi ng NUP ang alegasyon. Ayon kay Deputy Speaker at Antipolo Rep. Ronaldo Puno, walang katotohanan ang paratang dahil walang naging labanan sa speakership noong pagbubukas ng ika-20 Kongreso, kung saan tumakbo si Romualdez nang walang kalaban. Dagdag ni Rep. Puno, maghahain din sila ng kaukulang kaso laban kay Rep. Barzaga, gayundin ang iba pang mambabatas na nadawit sa isyu.





