--Ads--

Inihayag ng Land Transportation Office na maaari nang ipakita at gamitin ang digital na kopya ng driver’s license sa pamamagitan ng eGov Philippines mobile application o eGov App.

Ayon kay LTO Chief Markus Lacanilao, valid ang digital na lisensiya at kinikilala ito ng lahat ng traffic enforcer at mga deputized agent sa buong bansa.

Kasama ng Land Transportation Management System portal at app, kinikilala na rin ang eGov App bilang opisyal na paraan upang ma-access at maipakita ang electronic driver’s license.

Maaaring magsilbing kapalit ng pisikal na lisensiya ang digital copy tuwing may traffic inspection o kapag kailangang patunayan ang bisa nito, basta’t malinaw na nakikita ang mahahalagang detalye gaya ng pangalan ng may-ari, expiration date, uri ng lisensiya, at iba pang impormasyon.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Lacanilao na ang pagbibigay-daan sa paggamit ng digital na driver’s license sa eGov App ay bahagi ng layunin ng LTO na gawing mas madali, mas mabilis, at mas makabago ang kanilang mga serbisyo.

Hinikayat din niya ang lahat ng motorista na samantalahin ang mga digital na opsiyong ito, ngunit binigyang-diin na kailangang tiyakin na ang kanilang digital na lisensiya ay palaging updated at balido upang maiwasan ang anumang abala.

Dagdag pa niya, hinihikayat ng LTO ang mga driver na i-download ang eGov App o gamitin ang LTMS platform upang ma-access ang kanilang digital na lisensiya at matiyak na maipapakita ito nang maayos sa mga awtoridad kapag kinakailangan.