--Ads--

Sumiklab ang sunog sa isang bodega na matatagpuan sa Brgy. San Jose, Aurora, Isabela kaninang tanghali na nagdulot ng pangamba sa mga residente sa nasabing lugar.

Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan, nakatanggap ng tawag ang Bureau of Fire Protection (BFP) Aurora bandang alas-12:00 ng tanghali hinggil sa insidente. Agad namang rumesponde ang tatlong fire truck mula sa BFP Aurora upang apulahin ang apoy.

Dahil sa mabilis na pagkalat at lakas ng apoy, humingi ng karagdagang tulong ang BFP Aurora sa mga karatig-himpilan. Tumugon ang tatlong fire truck mula sa mga volunteer responders ng Cabatuan, Isabela, gayundin ang dalawang fire truck mula sa BFP San Manuel upang tumulong sa pag-apula ng sunog.

Matapos ang halos tatlumpung minutong operasyon, idineklara ng BFP na fire out ang sunog bandang alas-12:30 ng tanghali.

--Ads--

Sa kasalukuyan, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pinagmulan ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsalang idinulot nito. Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente.