--Ads--

Pinaalalahanan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang mga business owner sa tamang proseso ng business permit renewal sa pamamagitan ng online system.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Sherwin De Luna, Business Permit and Licensing Officer ng Cauayan City, sinabi nitong may dalawang paraan ng pagre-renew ng business permit sa pamamagitan ng cellphone at personal computer.

Aniya, para sa mga gagamit ng cellphone, maaaring i-download ang eLGU application mula sa Google Play o Play Store, hanapin ang Cauayan City, at doon punan ang form para sa renewal ng permit.

Samantala, para naman sa mga gagamit ng personal computer, maaaring magtungo sa eLGU portal sa ilalim ng City of Cauayan sa eGov.ph upang makapag-renew online.

--Ads--

Dagdag pa ni Atty. De Luna, wala umanong malaking pagkakaiba ang onsite at online renewal, at nakadepende lamang ito kung kaunti ang kliyente sa opisina o kung maayos ang internet connection ng aplikante.

Para sa mga new business application, kinakailangan lamang maghanda ng valid ID at DTI registration na ia-attach sa online forms, kung saan maaari na ring isagawa ang pagbabayad online.

Samantala, mas tumatagal umano ang proseso ng renewal dahil kinakailangan pang suriin ng BPLO ang mga supporting documents na in-upload ng mga business owner.

Paalala pa ni Atty. De Luna, kahit ang mga mag-aapply bilang new business ay makikita pa rin sa system kung ito ay renewal, dahil naka-link na ang mga impormasyon sa database ng BPLO.

Sa ngayon, pinag-aaralan pa ng lokal na pamahalaan ang posibilidad ng extension sa pagbabayad ng renewal fees, subalit nilinaw ng opisyal na ang deadline ng assessment ay nananatiling Enero 20.